This was my entry for the Family Life and Child Development Circle's Story Writing Contest, having the theme: Mga Likhang Pambata: Karanasang Pambata.
OO na, morbid ang kuwento ko pero ala na akong maisip na original eh. Bitin siya kasi max of 2 pages, Arial font size 11, and 1.5 spacing.
Don't expect to win though, sumali lang ako kasi (1) malaki-laki ang cash prize (5,000, 3, 500 and 2,000) and (2) dahil gusto ko lang mag-try.
HIYAW NG DAMDAMIN
Nang marinig ko na ang motor ng traysikel ni Kuya, dali-dali kong binitbit ang isang magandang coloring book at buong siglang binati siya, "Kuya, tingnan mo, napanalunan ko sa skul! First place kasi ako sa Poem Writing Contest. Alam mo ba kung tungkol saan ang tula ko? Tungkol sa iyo, Kuya!"
Tinitigan ako ng matagal ni Kuya at malungkot na sinambit, "Talaga, bunso? A-ang galling talaga ng kapatid ko… ang tali-talino…" Hinimas niya ang aking ulo at bumuntung-hininga.
Pati rin si Inay kakaiba. Tahimik silang parehas. Ako lang yata ang maingay sa bahay na ito. Ako lang yata ang masaya ngayon. May problema kaya?
"Bakit ka tahimik, Kuya? Anong problema? Sinisingil na ba tayo ni Aling Ester? Nag-away na naman ba kayo ni Mang Ambo?"
Huminga ng malalim si Kuya, "Hindi, bunso. Pagod lang ako, "at napalitan ng ngiti ang simangot, "Gusto mo bang kulayan natin yang coloring book mo? Halika, umpisahan na natin!"
At napawi ang aking pag-aalala. Dahil bata pa ako noon, inisip ko na pagod nga lang si Kuya. Walang problema. Gayundin si Inay. Siguro ang daming nagpalabada. Kaya tahimik sila. Wala talagang problema.
Masigla kaming nagkulay ni Kuya. Maya-maya ay tinawag siya ni Inay. Nagkatinginan sila nang makahulugan at tila nagkaitindihan. Tiningnan ako ni Kuya pagkatapos ay tiningnan niya uli si Inay.
Lumapit si Inay sa akin at niyakap ako ng mahigpit, "Mahal na mahal kita anak., tatandaan mo iyan ha? Lagi kang magdadasal at huwag na huwag mo kaming kakalimutan ng Kuya mo. Papakabait ka ha?"
Naguluhan ako sa mga sinabi ni Inay lalo na nang makita ko sina G. at Gng. Canlas at ilang mga lalaki sa maliit na sala namin. Silang mag-asawa ay dating amo ni Inay noong nagkakatulong pa siya. Nahirapan na kasi si Inay kaya umalis siya. Pinagsasabay niya kasi ang pagkakatulong sa kanila at ang paglalabada.
Nginitian ako ni Gng. Canlas, "Lisa, kumusta ka na? Ang laki-laki mo na ah!"
Sinagot ko siya nang buong bibo, "Ayos lang po!"
Lumingon siya kay Inay at tumango. Nagulat na lang ako ng ibigay ni Inay ang isang maleta sa mga lalaking kasama ng mag-asawa.
"Halika na Lisa," at hinawakan ako sa braso ni G. Canlas. Nagpumiglas ako, tinitingnang pabalik-balik sina Inay at Kuya.
Inay! Kuya! Anong nangyayari? Inay! Kuya! Saan nila ako dadalhin?! Tulungan ninyo ako! Ngunit masyadong malakas ang mga kasama ni G. Canlas at hindi ko makayang bumalik sa kanila.
Mahal ko kayo! Inay! Kuya! Huwag niyo akong ipamigay! Parang awa niyo na! Ngunit magkayakap lang sina Inay at Kuya na umiiyak, tila wala rin silang lakas para pigilan ang nangyayari.
Hanggang sa kotse ng mag-asawa, nagwawala pa rin ako. Bakit nila ako ipinamigay? Hindi na ba nila ako mahal? Anong gagawin sa akin ng mag-asawa?
Ngunit hindi ko na nalaman dahil iyon na ang huling pagkikita namin nila Inay…
Kahit na limang taong gulang lang ako ng mangyari ang insidenteng iyon, tandang-tanda ko pa rin sila Inay at Kuya. Minahal naman ako nila G. at Gng. Canlas pero kahit anong gawin kong paglimot kina Inay, lalo ko lang naalala ang masaya naming nakaraan.
Ang haba rin ng lumipas na mga taon-dalawang dekada na ata. Marami na rin akong natupad na mga pangarap. Iyon nga lang ay hindi ako lumaki sa bansang nakagisnan ko noong nakalampin pa ako. At hindi ko nakasama ang mga taong unang minahal ko.
Kinatok ko ang kinakalawang pintuan ng maliit na barung-barong. Ilang sandali lang ay may lumabas na matandang babae , "Sino iyon?" ang dating malambing na boses ay hirap at magaspang na ngayon.
Ngumiti ako at bumuntung-hininga. Ang tagal ko rin silang hinanap. Ang tagal ko ring pinaghandaan ang sandaling ito, "Inay?" sambit ko-mahina, nangangatal.
At nagtama ang aming mga mata. Tahimik lang kami. Ngunit tulad ng dati, nakabibingi ang katahimikan namin. Tulad ng dati, alam na namin ang nais naming sabihin--ang mga tahimik na hiyaw ng aming damdamin.
Siguro once a week na lang me magpo-post next week and the weeks after dahil I have loooooooooaddds to do.
That's all, til next time, tata!
Currently listening to: Cambio
Currently feeling: busy